Infinito: Salinlahi-Chapter 56

If audio player doesn't work, press Reset or reload the page.

Chapter 56 - 56

Hindi na naghintay pa ng sagot si Dodong. Sa isang mabilis na hakbang, naglaho siya sa kanyang kinatatayuan at lumitaw sa likod ng isa sa mga aswang. Isang mabilis na saksak ang tumagos sa likod ng nilalang hanggang sa dibdib nito, sentro sa kaniyang puso. Ang huling natitirang kalaban ay napaatras, nanginginig, ngunit huli na ang lahat.

Sa kabilang banda naman, nagsimula na ring umatake ang mga abwak sa grupo nina Loisa. Tulad ng sinabi ng dalaga, alam nga nila kung paano lalabanan ang mga ito. Sa kalagitnaan ng laban, isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap na halos nagpanganga sa mga manunugis.

Dumagundong ang lupa at inakala nilang marami pang abwak ang papalusob. Ngunit nang akmang papasuko na sila, nakita nilang tumalsik palabas ng lupa ang mga abwak— duguan ang mga ito at nakapulupot ang mga baging sa dulo ng kanilang mga paa. Tila may buhay ang mga baging na iyon at walang habas silang ibinalibag sa lupa nang paulit-ulit.

"May tulong, may tulong na dumating!" sigaw ng isang manunugis mula sa likuran. Mula sa 'di kalayuan, isang bulto ng lalaki ang nakatayo na nababalutan ng kadiliman.

Sumilay ang ngiti sa labi ni Esmeralda nang makita ang silweta ng taong iyon. Alam niya kung sino ito at sigurado siyang napagtagumpayan na rin nila ang kanilang misyon.

Nagmistulang mga inihaw na naglitawan ang mga abwak sa lupa. Umalingawngaw sa kadiliman ang sigaw ni Mateo at ang mga atungal ng mga aswang na ginagapos ng baging.

Tumalilis ng takbo sa Mateo at agad na sinunggaban ng taga ang aswang na papalusob na sana sa likuran ni Dodong.

"Kuya, tamang-tama lang ang dating niyo." Masayang wika ni Dodong at agad na ipinasa kay Mateo ang isang itak. Nasalo naman ito agad ng binata at agad na itinaga sa isa pang papasugod na aswang.

Nagpatuloy ang laban at sa pagkakataong iyon ay magkatuwang na si Dodong at Mateo habang ang iba naman ay abala sa pagpat*y ng mga natitirang abwak na noo'y nasa ibabaw na ng lupa.

Hanggang sa dumating na ang oras na ang tanging natitira na lamang ay si Antonio. Bagsak sa lupa, at humihingal na rin ang mga manunugis na kasamahan nila dahil sa pagod.

"Sumuko ka na Antonio, napakaraming buhay na ang kinuha mo. Oras na para singilin ka." Sigaw ni Esmeralda, habol-habol ng dalaga ang hininga habang ang mga mata'y nakatuon sa kausap niya.

"Susuko? Susuko lang ako kung mapapabagsak mo ako sa lupa Esme! Kahit kailan, hindi sumusuko ang mga Hanagob!" Paasik na wika ni Antonio, nanlilisik ang ngayong mapupulang mata ng binata. Bakas sa mukha nito ang galit at pagnanais na makitilan ng buhay si Esmeralda.

"Talo ka na Antonio, hindi mo pa ba nakikita? Nag-iisa ka na, at marami kami at kahit kailan, hindi nagwawagi ang nilalang na masama ang itinatanim."

"Nagwagi na ako, kung hindi ka lang dumating. Sinira mo ang mga bagay na sinimulan ko. Kaya hindi kita mapapatawad." Sigaw ni Antonio. Sa isang mabilis na pagkilos, dinaluhong niya ng kalmot si Esmeralda. Bago pa man ito tumama sa dalaga ay mabilis na nakaiwas ito. Sa pagkakataong iyon, nasangga ni Mateo ang atake nito ngunit dahil sa lakas ni Antonio ay tumilapon ng ilang metro ang binata.

Kumilos naman si Dodong at inatake si Antonio. Tila isang sabik na bata si Dodong habang pinapaulanan ng taga ang nilalang. Nanlalaki ang mga mata nito na animo'y walang anggulong makakatakas sa paningin niya.

Bawat hagupit ng kanyang itak ay tumatama sa laman ng kalaban, ngunit sa halip na mapaatras, lalo lamang nagiging mabangis si Antonio. Isang nakakabinging halakhak ang lumabas sa kanyang bibig habang tila hinihigop ng kanyang balat ang dugong dumadaloy mula sa mga sugat dahil sa mabilisan nitong paghilom.

"Akala mo ba'y madali akong mapapatumba, bata?" wika ni Antonio, kasabay ng mabilis niyang paglapit kay Dodong. Isang mabilis na hampas ng kanyang kamay ang nagpatilapon sa bata. Walang pakialam si Antonio kung bata o matanda ang kaniyang kalaban. Isa lang ang mahalaga sa kaniya— ang tapusin ang mga taong nagtatangka ng katapusan niya.

Bumagsak si Dodong sa lupa, umangat ang alikabok na tila isang makapal na usok. Napaubo pa ito habang habol-hininga ngunit wala sa mata ni Dodong ang pagsuko. Mahigpit niyang hinawakan ang kanyang itak, bumangon, at muli siyang sumugod— wala na sa kanyang isipan ang takot, kundi ang tanging hangaring tapusin ang halimaw sa kanyang harapan.

Muling nagsalubong ang itak ni Dodong at ang mga kuko ni Antonio, subalit bigo pa rin ang bata na makapagdulot ng malubhang pinsala sa nilalang. Sa halip na mawalan ng pag-asa, ay tila isang sabik na sundalo si Dodong.

Lumapad ang ngisi sa nga labi ng bata, walang pagsidlan ang kaniyang kasiyahan. Tila ba ang dugong matagal nang natutulog sa pagkatao niya ay nananabik at kumukulo at anomang oras, ay aalpas ito at magwawala.

"Kung hindi kita kayang pasukuin gamit ang mga natutunan ko sa mundong ito, bakit hindi natin subukan ang natutunan ko sa kabilang mundo. Hari ka 'di ba? Puwes, paluluhurin ko ang isang harjng katulad mo!" Sigaw ni Dodong, kakaibang lenguahe ang lumabas mula sa labi ng bata, na maging sina Esmeralda at Mateo ay napatulala dahil sa gulat at pagkabigla.

Ang batang boses ni Dodong ay animo'y dumadagundong sa bawat salitang binibigkas nito. Tila maging ang lupa ay nakikinig dahil sa bawat kataga, ay siya ring pagyanig nito. Umihip ang hangin at nahawi ang makakapal na ulap. Ang buwang kaninang nagtatago ay lumitaw at binigyan nito ng liwanag ang dating madilim nilang kinaroroonan.

Napaangat ng mukha ang mgaanunugis at tila nakakakita sila ng isang himala.

Visit ƒree𝑤ebnσvel.com for the 𝑏est n𝘰vel reading experience.

"Tingnan niyo ang buwan, nagkukulay pula. Pero bakit? Ano'ng ritwal ang ginagawa ng batang iyan?" Puno ng pangambang wika ng isa sa mga manunugis.

Agad namang umilong si Loisa at pinaliwanag sa mga ito na kakampi nila si Dodong, na alam niyang hindi ito gagawa ng aksyon na maaari nilang ikapahamak.

"Mukhang hindi ka rin ordinaryo bata, kung inaakala mong hindi ko alam ang ginagawa mo, nagkakamali ka. Dahil tulad mo, engkanto rin ang gabay ko!" Sigaw ni Antonio at nagsimula na rin itong magbigkas ng mga katagang hindi nila maintindihan.

Lalong lumakas ang hangis, tila nagkaroon ng dalawang puwersa nagbubungguan— parehong sumasalungat sa bawat isa.

Habang nangyayari ito ay lumitaw naman sa tabi ni Esmeralda si Liyab at may kung anong ibinulong ito.

"Sigurado ka, Liyab. Hindi ba kayo mapaparusahan? Pangingialam ito sa problema naming mga mortal."

"Nagmula sa amin ang nilalang ma iyan Esme, napag-alaman kong tumakas siya mula sa mahigit isang daang libong taon niyang pagkakakilong sa isa sa mga kuweba sa mundo ng mga engkanto kaya hindi ito pangingialam kun'di pagtupad lamang sa aming tungkulin."

"Pero ano itong sinasabi niyang engkanto rin ang gabay niya?" Nagtatakang tanong ni Esmeralda habang inihahanda ang mga ibinulong sa kaniya ni Liyab.

"Isang itim na engkanto ang nagpatakas sa kaniya at ito ngayon ang nagbibigay pahintulot sa kaniya na maghasik ng lagim sa kalupaan kapalit ng mga kaluluwa ng mga taong napapaslang niya." Tugon ni Liyab, mula sa kanang kamay nito ay lumitaw ang isang pilak na kadena, kulay pilak iyon ngunit ang wangis nito'y kapares ng isang makapal na baging na madalas makita ni Esmeralda sa kagubatan.

"Itim na engkanto? Hindi ba mapapahamak si Dodong?" Tanong ni Esmeralda.

Umiling si Liyab at saka ibinigay ang kadenang iyon. Sa dalaga.

"Katulad mo, may mga gabay rin si Dodong, mas kabisado niya ang paggamit ng kakayahan niya kaya hindi ka dapat mag-alala. Sundan mo lang ang lahat ng sasabihin ko. Alisin mo ang lahat ng pagdududa at kaba sa puso mo. Maniwala ka sa ating kakayahan Esme."

Agad naman sumang-ayon si Esmeralda. Tinungo niya si Mateo at sinabihan itong ilayo roon ang mga manunugis na hindi na makakalaban.

"Mas maigi kung lalabas kayo Mat, masyado nang magiging mapanganib sa inyo ang mga gagawin namin. Doon niyo na lamang kami hinatayin sa bahay nila Lolo Goryo." Wika ni Esmeralda at napabuntong-hininga naman ang binata.

"Sigurado ka? Paano kung mapahamak kayo? Malakas ang aswang na kalaban niyo. Hindi siya basta-basta. "

"Alam ko, kaya mas makakagalaw kmai ni Dodong kunv malayo kayo, hindi na kami mag-aalala na baka balingan niya kayo."

"Wala na ba akong magagawa?" Tanong ni Mateo at umiling si Esmeralda. Ngumiti naman ang binata at tinapik ang balikat niya.

"Sige, pero hihintayin ka nmain sa labas nitong bayan. Mag-iingat kayo ni Dodong. " Tugon ni Mateo at mabigat sa loob na tinalikuran ang dalaga. Napasundo naman ang tingin ni Esmeralda sa binata habang inaalalayan nito ang mga sugatan. Kumaway pa siya kay Loisa at sa grupo nito bago muling itinuon ang pansin sa kalaban nila.