Infinito: Salinlahi-Chapter 54

If audio player doesn't work, press Reset or reload the page.

Chapter 54 - 54

Sumapit ang umaga na hindi sila nakatulog kahit idlip lang. Kasalukuyan nang naghahanda si Loisa ng mainit na tubig nang makarinig sila nang pagtawag sa labas ng bakuran. Binuksan ng babae ang pinto at bumungad sa kanila ang apat na kalalakihan na halatang nanggaling pa sa kabundukan.

"Loisa, kung ayaw niyong maubos ang lahi niyo, isuko niyo sa amin ang babaeng dayo. Nagbaba na ng utos ang haring hanagob, at sa oras na mapasakamay na namin ang babae ay makalalaya na kayo." wika ng isang lalaki.

"Paano kami makasisigurong, hindi binibilog ng hari niyo ang mga ulo namin?" tanong ni Paeng nang hindi kumibo si Loisa.

"Aba, tumatapang ka yata ngayon Paeng, baka nakakalimutan mo, hawak pa rin namin ang kapatid mo." babala ng isa pang lalaki. Napangisi naman si Paeng at umakbay kay Loisa.

Follow current novℯls on ƒгeewёbnovel.com.

"Matagal na ninyong ginagamit ang kapatid ko laban sa akin? Paano ako nakasisiguro na buhay pa nga siya? Alam niyo, may napagtanto ako, lahat kami rito, may hawak kayong mahal namin sa buhay pero nasaan na nga ba sila? Buhay pa ba sila? O baka ginag*go niyo lang kami pero ang totoo, matagal na silang naging lamang tiyan niyo. Umalis kayo rito, magtuos na lang tayo mamaya." Laban ni Paeng na ikinabigla naman ng mga kalalakihan. Nabakas sa mga mukha nila ang pagtataka at saglit na gumuhit sa mga mata nila ang pangamba.

"Kung gayon, humanda kayo. Makararating ito sa aming panginoon." wika pa ng lalaki bago tumalikod ang mga ito.

Noon lang din mas naintindihan ni Esmeralda kung bakit naging sunod-sunuran ang mga manunugis sa mga aswang. KUng gayon ay hawak ng mga ito ang kani-kanilang mga pamilya. Hindi niya masisisi ang mga ito kung bakit mas pinili nilang ibaba ang kanilang mga sandata kapalit ng buhay ng kanilang mga pamilya. Pero may punto rin si Paeng, matagal nang hawak ng mga aswang ang pamilya nila, sino ang makakapagsabing ligtas pa rin ang mga ito.

"Kung hanggang dito lang ang buhay natin, siguro naman kagustuhan iyon ng panginoon, kung hanggang dito na lang tayo, mas nanaisin ko pang mamat*y nang lumalaban kaysa naman maghintay sa buhay na walang kasiguruhan." dagdag pa ni Paeng na sinang-ayunan naman ni Loisa at kalaunan ay sinang-ayunan na rin ng iba pa nilang kasama.

Dahil tahasan na silang bumaligtad, nang araw din iyon ay naghanda sila. Muli nang humawak ng mga sandata ang mga manunugis at nagsanay habang ang iba ay naghahanda ng mga pangontra.

Tanghali pa lamang ay nakapaghanda na sila. Maging ang mga sarili nila ay naihanda na rin nila sa maaaring kalalabasan ng gagawin nila. Walang paglagyan ang kaba sa puso ng bawat manunugis na naroroon. Habang si Esmeralda ay patuloy lang sa pagpapatalas ng kaniyang punyal.

Saktong alad dos ng hapon nang lumitaw si Dodong, bitbit ang isang malaking sisidlan na animo'y hinabi pa sa iba't ibang uri ng dahon.

"Ate, nakakuha na ako. Pasensiya na dahil natagalan ako, ayaw kasi akong pakawalan ni Hagnaya, nakakainis talaga ang babaeng iyon." Masayang anunsyo ni Dodong at sabik na inilapag sa lupa ang bitbit at yumakap kay Esmeralda.

"Mabuti naman, tamang-tama lang ang dating mo. May kaunting pagbabago sa plano dahil may nalaman ako. Pero ganoon pa rin naman ang takbo, lilipulin natin sila at makakapaglaro ka mamaya." Wika ni Esmeralda habang hinahaplos ang ulo ni Dodong.

"Kaya nga ate, nasasabik talaga akong makaharap sa labanan si Antonio. Siya nga pala ate, may pinapabigay si Hagnaya sa'yo, sabi niya gamitin mo raw ito sa oras na kailanganin mo. Ikaw lang daw ang nakakaalam ng oras na iyon kaya pagkaingatan mo raw ito." Iniabot ni Dodong ang isang puting bato sa kaniya, magaspang iyon sa kamay ni Esmeralda ngunit may kakaibang lamig iyong hatid sa kaniyang palad. Agad naman niyang ibinulsa ang bagay na iyon at saka tinanong ang bata.

"Si Hagnaya, ano ba siya?" Tanong ni Esmeralda.

"Isa siyang bantay, bantay ng mga tamawo para hindi makapanakit ng mga tao. Isa siyang mataas na uri ng engkanto na nagpapanatili ng balanse sa mundong ito at mundo ng mga engkanto." Tugon ni Dodong.

"Mayro'n din ako ng kagaya niyan ate, pero bata pa ako nang binigay niya sa akin iyon," dagdag pang kuwento ni Dodong. Tumango naman si Esmeralda at agad na pumasok sa isip niya ang isang bato rin na binigay sa kaniya ni Liyab noong bata pa siya. Kulay berde naman iyon habang ang isang ito naman ay puti.

"Siya ba ang gabay mo Dong?"

"Hindi ate, mabait lang talaga si Hagnaya sa mga taong tulad natin, mahilig siyang magbigay ng mga bato at mutya. Kapag ginamit mo ito sa mabuti matutuwa siya, pero kapag ginamit naman sa masama, mapaparusahan ka. Mahilig talaga siyang manukat ng tao, kung hanggang saan ang kabutihan niya o masisilaw sa kapangyarihan." Nagkibit-balikat naman si Dodong at agad na ring naghanda ng mga gamit niya.

"Ibang klase naman pala iyang si Hagnaya. Pero, hayaan mo na, ang mahalaga, hindi natin ito gagamitin sa masama kaya hindi tayo mapaparusahan katulad ng iba." tugon ni Esmeralda at nagsimula na silang maghanda ng mga pinatulis na kawayan at itinayo sa palibot ng bahay ni Loisa. Doon kasi nila napagdesisyonang magtipon para hintayin ang papalusob na mga aswang.

Bawat poste naman ng bakod ay nilagyan nila ng nakatiwarik na walis tingting. Bukod pa roon, lahat ng kanilang mga sandata ay ibinabad na nila sa dinikdik na bawang at asin. Ang mga pinatulis nilang kawayan ay ibinabad na rin nila sa bawang at asin.

Ang mga babae naman ang siyang naghanda ng kanilang magiging pagkain bago ang kanilang laban. Nag-ihaw ang mga ito ng mga alaga nilang manok at baboy, tila ba nagkaroon ng fiesta dahil roon.

"Kung ito man ang magiging huling haponang pagsasaluhan natin, ayos lang, ang mahalaga nabusog tayo. Kaya huwag kayong mahihiya, kain lang." Wika ni Paeng. Kasalukuyan na silang nagtitipon-tipon para kumain. Nasa isang mahabang mesa sila., katabi ng kanilang mga upuan ang kanilang mga sandata. Tulad ng sinabi ni Paeng, kumain sila at nagpakabusog, tila hindi nila alintana ang mga banta na mamaya-maya lamang ay kahaharapin na nila.

"Ang sarap talaga, grabe nabusog ako." Wika ni Dodong, himas-himas pa ng bata ang tiyan nito. Maya-maya pa ay kumuha pa ito ng manok ant karne, ibinalot ito ni Dodong sa dahon ng saging at isinilid sa dala-dala nitong bag na palaging nakadikit sa kaniya.

"O, akala ko ba busog ka na?" puna ni Esmeralda at ngumisi naman si Dodong.

"Baka kasi magutom ako mamaya ate, mas mabuti na na may baon ako. Pagkain pa naman ang nagpapalakas sa akin." tugon naman ni Dodong at nagkatawanan sila. Gumaan ang atmospera sa paligid dahil sa sinabing iyon ni Dodong. At tulad ng ginawa niya, kaniya-kaniya na ring balot ng pagkain ang mga ito. Ika nga nila, tama si Dodong, bahala nang nakikipaglaban sa aswang ang mahalaga busog at hindi sila magugutom.

Hinintay nila ang paglubog ng araw, nakatingin lang si Esmeralda sa papalubog na wangis nito, ang kaninang mainit na hangin dala ng sinag ng araw ay napalitan na ng malamig na simoy nito. Kasabay ng paglubog ng araw ang paglatag ng dilim. Sinindihan nila ang mga sulo sa bakod at palibot ng bahay na kinaroroonan nila.

Nabalot sila ng pinaghalong kaba at kasabikan. Kitang-kita ni Esmeralda na tila ba hindi mapakali ang mga ito lalo na si Loisa. Nababanaag rin niya ang pag-aalinlangan sa mata ng dalaga.

"Lakasan mo lang ang loob mo Loisa, matatapos rin ito at mababawi niyo na ang bayan niyo. Makakabalik rin dito ang mga lolo at lola niyo. Nasa labas lang sila, naghihintay ng inyong paglaya." wika ni Esmeralda, bahagyang tumangi si Loisa at napahigpit pa ang hawak nito sa itak.

"Sana talaga, magtagumpay tayo. Para naman makasama ko na si Lolo Goryo." halos pabulong na wika ni Loisa. Matapos ay itinuon nila ang pansin sa labas ng bakurang kinaroroonan nila.

Lumatag na ng tuluyan ang kadiliman sa buong kalupaan. Tanging tunog ng kuliglig at ang banayad na ihip ng malamig na hangin ang kanilang naririnig. Nanunuot ang lamig sa kani-kanilang mga buto, tila ang lamig na 'yon ay nakadagdag pa sa kabang kanilang nararamdaman. Habang sina Esmeralda at Dodong naman ay pangiti-ngiting nakatitig lang sa kanilang mga punyal na hawak.

Halos sabay pang napatingala si Dodong at Esmeralda nang biglang tumigil ang mga huni ng kuliglig sa paligid.

"Nandito na sila ate," bulalas ni Dodong. Inilabas na ng bata ang kaniyang punyal at saka ito binulungan.

"Nararamdaman ko sila, maghanda na kayo." Paalala ni Esmeralda at naghanda na sila. Naging alerto sila at nagmatyag sa paligid. Isang grupo ng kalalakihan ang nakita nilang papalapit sa kanila. Halos karamihan sa mga ito ay may malalaking pangangatawan, na halos doble sa sukat ng isang ordinaryong tao.

Napapagitnaan naman ng mga ito ang isang matangkad na lalaki— si Antonio na noo'y nakasuot ng isang itim na kasuotan, kabaligtaran ng madalas nitong isuot sa tuwing nakikita nila noon.

"Nakakamangha, nakakabilib, hindi ko inakalang may makakapasok na tulad mo sa lugar na ito Esmeralda." Wika nito nang huminto sa harapan nila. May kalayuan rin ang kinatatayuan ng mga ito sa kanila. Tila nangingilag naman ang mga ito dahil sa mga pinatulis na kawayan at mga nakatiwarik na walis tingting na nakapalibot sa bakuran nila.

Napangiti naman si Esmeralda at walang takot na humakbang paharap.

"Katunayan lang na kayong mga aswang ay may kakulangan rin." Wika ni Esmeralda habang itinuturo ang kaniyang sentido. Tumawa naman si Antonio habang ang mga kasama nito ay umangil dahil sa galit at pagkainsulto.