Infinito: Salinlahi-Chapter 63

If audio player doesn't work, press Reset or reload the page.

Chapter 63 - 63

Matapos ang usapan ni Silma at Esmeralda ay bumalik naman sila sa handaan. Doon ay naghiwalay ng landas ang dalawa na tila hindi sila nag-usap.

Sumapit ang gabi at isa-isang sinindihan ng mga magsasaka ang mga sulo sa paligid. Nagliwanag ang buong bukid at mas lalong nabuhay ang sigla ng mga tao dahil sa pagtunog ng mga tambol na nakaugalian na nila bilang pagsalubong sa paglitaw ng mga gabay ng kalikasan na siyang dahilan ng pagyabong ng kanilang lupa.

Nagkakantahan pa ang mga ito habang ang iba naman ay sumasayaw paikot sa isang malaking bonfire. Ang iba naman ay pumapalakpak sa indayog ng musika. Isa ito sa naging kaugalian nila sa tuwing sasapit ang ika-pitong taon ng masaganang ani nila. Pagkatapos ng araw na iyon ay bibilang ulit sila ng pitong taon para sa susunod na pagdiriwang.

Habang nagkakasiyahan ang mga tao sa bukid. Nasa likod naman si Esmeralda at nakikihalubilo sa mga nilalang na tanging sila lang ni Dodong ang nakakakita. Sama-samang kumakain ang mga gabay nila sa maliit na mesa kung saan naroroon ang mga alay nila.

Pitong uri ng kakaning gawa sa malagkit na kanin, pitong basket ng iba't ibang uri ng gulay na naani nila. Pitong itim na manok at isang buong baboy na pinalaki ng pitong taon. Sa bawat sulok naman ng mesa ay nakatirik ang kandilang may sindi. Bagama't malakas ang hangin sa gawi nila, ay nananatiling nakasindi ang mga ito.

"Kain lang Hagnaya, masarap 'di ba. Sabi ko naman sa'yo masaya rito." Wika ni Dodong sa gabay nitong engkanto.

"Dong tingnan mo ang mga kaibigan nating lamang-lupa o, tuwang-tuwa sila sa mga kakaning matamis. " Puna ni Esmeralda.

"Oo nga ate. Sige lang palabusog kayo, araw at gabi niyo naman ito. Lahat ng iyan hinanda ng mga tao rito. Kaya sana, patuloy niyong pagyabungin ang lupa natin." Wika ni Dodong. Natawa naman si Esmeralda dahil umaaktong tila isang guro si Dodong.

Nagpatuloy ang kasiyahan hanggang alas nuebe ng gabi. Pagkatapos nito ay nagligpit na rin sila at nagsiuwian na.

Naiwang nagliligpit sina Loisa at Esmeralda kasama na rin ang iba pang manunugis.

Si Ismael at Armando naman ay minabuting doon manatili sa kubo ni Esmeralda habang umuwi naman ang mag-anak ni Silma at Margarita.

"Isang pitong taon na naman ang nairaos natin. Nawa'y sa mga susunod na taon ay mas maging masagana pa ang ating pag-aani." Sambit ni Armando, hawak nang mahigpit ang kaniyang baston.

Mula sa 'di kalayuan naman, lingid sa kanilang kaalaman, may mga matang nagmamasid na nakakubli sa kadiliman. Tila ba naghihintay lang ng pagkakataon. Wala ni isa ang gumagalaw, animo'y nag-iingat na mahuli o maramdaman nina Dodong at Esmeralda.

Nang matapos na nila ang kanilang mga liligpitin ay nagpahinga na rin sila. Kasalukuyang nakatanaw si Esmeralda sa labas ng kaniyang bintana nang lumitaw si Liyab sa kaniyang harapan.

Nakangiti ito habang hawak ang isang pungpong ng makukulay na bulaklak. Tila nagliliwanag pa ang mga ito kaya naman sigurado si Esmeralda na galing pa ang mga bulaklak na iyon sa mundo ng mga engkanto.

"Maligayang kaarawan Esme, alam kong ito ang araw na ipinagdidiwang mo ang kaarawan mo dito sa lupa. Kaya heto, nagpitas ako ng mga bulaklak sa hardin, sana magustuhan mo." Wika ni Liyab. Napangiti naman si Esmeralda at bahagyang natawa bago inabot ang mga bulaklak. Agad niya itong inilagay sa nakahanda niyang plorera na tila ba alam niyang darating si Liyab na may dalang bulaklak.

"Hindi ka pa rin talaga nagbabago, hindi k pa rin pumapalya. Kaninong hardin na naman ba ang inararo mo para lang makapitas ng ganito karaming bulaklak?" Natatawang tanong ni Esmeralda.

"Talagang wala kang katiwa-tiwala sa akin no, pero Esme, siya nga pala, tungkol doon sa pinapatanong mo. Tunay na pinakawalan na ng mga punong gabay ang iyong tiyo sa dalawapung taon niyang parusa."

"Ganoon ba, natingnan mo rin ba ang sinasabi ko tungkol sa nangyari kanina, si Tiya Silma, wala siya sa katinuan niya, nalaman mo ba kung anong nilalang ang may gawa?" Tanong ni Esmeralda at napailing naman si Liyab.

"Isa lang namang angkan ang may kakayahan sumanib o di kaya naman ay kontrolin ang mga tao, at nabibilang sila sa mga uri ng itim na engkanto. Nagsisimula na silang gumalaw dahil nasa tamang edad ka na Esme, kaya mag-iingat ka."

Napakunot naman ng noo si Esme at lalo siyang naguluhan dahil sa sinabi ni Liyab.

"Bakit, ano ba talaga ang kinalaman ko sa kanila Liyab. 'Di ba sabi mo sasabihin mo ang lahat sa oras na sumapit ang ika dalawampu't isa kong kaarawan?"

"Bakit Esme, handa ka na bang malaman?"

"Oo naman, noon pa man gusto ko ng maliwanagan."

"Kung gano'n babalikan kita sa pagsapit ng kabilugan ng buwan, doon ko ipapaliwanag sa iyo ang lahat. Doon ko ibubunyag ang pagkatao mo. At sana Esme, matanggap mo ito nang bukal sa iyong puso." Malumanay na wika ni Liyab habang unti-unti itong naglalaho na tila usok sa hangin.

Nagpakawala ng buntong hininga si Esmeralda at isinara na ang kaniyang binata. Muli siyang napatingin sa mga bulaklak at sumilay ang maaliwalas na ngiti sa kaniyang labi.

Kinaumagahan muli na silang naging abala sa pagsisimula ng pagtatanim. Sa kalagitnaan ng kanilang mga gawain ay nakuha naman ang atensiyon nila ng isang grupo ng mga taong naglalakad. Nakasuot ang mga ito ng balabal na kulay lupa habang marahan itong naglalakad sa tabi ng kanilang bukid. Tila may hatak-hatak rin ang mga kalalakihan na isang malaking kahon na natatakpan ng kulay itim na tela.

Agad namng umalerto si Dodong at Esme nang makaramdam ng panganib sa mga ito. Napatda ang kanilang mga mata sa bagay na natatakpan ng itim na tela.

Napatayo amg dalawa at agad na nilapitan ang mga ito nang huminto sila sa lilim ng isang malaking puno sa gilid ng daan.

"Magandang umaga ho, mawalang galang na po pero saan po kayo paroroon?" Tanong ni Esmeralda. Si Dodong naman ay agad na nilapitan ang kahon habang tila inaamoy-amoy pa ang hangin doon.

"Hoy bata anong ginagawa mo. Huwag ka ngang lumapit diyan." Saway ng isang malaking lalaki. Matangkad ito at halos doble ng katawan ni Mateo.

"Ben, tama na, bata lang iyan." Saway naman ng isang matanda at agad namang umatras ang naunang lalaki. Pero bago iyon, nag-iwan pa ito ng masamang tingin kay Dodong na nilabanan naman ng bata.

"Pasensiya na kayo, napadaan lang kami, masyado na kasing mainit kaya huminto muna kami saglit." Sagot naman ng matanda sa naunang tanong ni Esmeralda. Baluktot na ang likod nito sa paglalakad at may hawak itong tungkod na gawa sa isang kahoy. Naagaw naman ng tungkod ang atensyon ni Esmeralda. Pamilyar kasi sa kaniya ang mga simbolong naroroon. Tila ba inukit iyon na may dang-taon na ang nakalilipas.

"Gano'n ho ba, saan po ba ang punta ninyo?" Tanong ni Esmeralda, sa pagkakataong iyon ay napangiti na siya. Naging magaan kasi ang loob niya sa matanda, naibsan ang kaninang pagdududa na gumapang sa kaniyang sistema.

"Ineng, ito na ba ang Bayan ng Luntian. Doon kasi kami tutungo. Sa kagubatan ng Luntian." Sagot naman ng matanda.

"Lola, nasa naturamg bayan na po kayo. Pero lola, ano itong dala niyo? May naaamoy kasi akong mabaho rito. " Kunot-noong tanong ni Dodong. Tila na sa mga oras na iyon ay para siyang isang pusang nakararamdam ng panganib, alerto at nagiging mabangis.

Nagkatinginan naman ang mga ito at tila hindi alam ang gagawin.

"Wala kayong pakialam sa dala namin. Kung narito na kmi sa bayan ng Luntian, mas mabuti pero hindi namin obligasyong sagutin ang mga tanong niyo." Pagalit at maangas na wika ng lalaking tinawag na Ben ng matanda.

"Obligasyon niyong sagutin dahil nandito kayo sa lupang pinoprotektahan namin. Malaki ka lang at mas matanda sa akin, pero hindi kita uurungan." Laban naman ni Dodong at agad na nagkairingan ang dalawa.

Halos sabay namang napaigik ang dalawa nang batukan sila pareho ni Esmeralda at ng matanda.

"Tumigil ka nga Ben, pati bata papatulan mo."

"Tumigil ka na Dodong, hindi maganda ang inaasal mo ngayon. Huminahon ka nga. " Halos sabay na saway nila sa mga ito.

Napanguso naman si Dodong at agad na pinandilatan ang matangkad na lalaki at gano'n rin ang ginawa ng huli sa kaniya.

"Naku, lola pasensiya na ho kayo sa kapatid ko. Pero kung mararapatin niyo sana, nais lang namin malaman kung ano itong dala niyo. Bilang protektor kasi ng baryo namin, lahat ng mga bagay na nararamdaman naming magdudulot ng panganib sa amin ay kinukuwestiyon namin."

"Naiintindihan ko Ineng,"

"Inang, huwag niyong sabihin na sasabihin niyo sa kanila? Akala ko ba hindi na tayo magdadamay ng iba. Problema natin ito kaya tayo lang ang dapat na madamay rito. " Paalala naman ni Ben.

Tila nahulog naman sa malalim na pag-iisip ang matanda, tumitig ito sa mga mata ni Esmeralda at hindi naman nag-iwas ang dalaga. Sinalubong niya ng buong tapang ang tinging iyon.

Bumuga ng malalim na hininga ang matanda bago nilapitan ang itim na tela, doon ay binuksan niya ang isang parte nito at tumambad sa dalawa ang tatlong nilalang na animo'y balot na balot ng itim na grasa. Walang malay ang mga ito at tila mahihimbing sa pagtulog. Kulubot ang mukha ng mga ito na animo'y maihahalintulad niya sa mga aswang.

The source of this c𝐨ntent is freёnovelkiss.com.

"Mga aswang? Pero bakit nasa anyong aswang sila kahit tirik ang araw? Ate Esme, tama naman 'di ba?"

"Oo Dong mga aswang nga iyan," tugon ni Esmeralda at binalingan ng nagtatanong na tingin ang matanda.

"Bagong sibol ang mga iyan sa hanay ng hanagob pero tila hindi kumpleto ang kanilang pagbabagong anyo. Nananatili silang ganiyan kahit sa pagsapit ng araw. Kaya kami naparito dahil napag-alaman namin na may lugar sa kagubatan ng Luntian ang maaari naming gamitin upang ikulong ang mga nilalang na ito." Wika naman ng matanda.