©WebNovelPub
Infinito: Salinlahi-Chapter 61
Chapter 61 - 61
Sumapit ang alas tres nang madaling araw. Nagising si Esmeralda sa ingay ng mga nag-uusap na magsasaka. Tila nagtatawanan ang mga ito habang may iba't ibang ingay na siyang naririnig sa labas ng kaniyang kuwarto. Bumangon si Esmeralda at dumiretso na sa banyo ng kubo nila. Naligo at pagkatapos ay nagpalit na rin ng damit, bago lumabas.
Sa paglabas niya ay naabutan niyang abala na ang mga magsasaka sa paghahanda ng mga kawayang gagamitin nila mama ya sa mga baboy. Habang ang iba naman ay tulong-tulong na hinahatak ang mga baboy na kanilang iihawin.
Binati lang niya ang mga ito at saka naman tinungo ang likod ng kanilang bakuran upang silipin kung nasa maayos pa ang ginawa niya kahapon., Tulad ng inaasahan, maayos pa ito at mas lalo pang tumingkad ang pagkakapamukadkad ng mga bulaklak na inilagay niya. Napangiti siya at mahinang nag-usal ng pasasalamat sa mga ito.
"O, Esme, gising ka na pala. Magkape ka muna doon, nag-init na ng tubig ang Lola Laura mo. Naroroon na rin sina Loisa at naghahanda para sa mga lulutuing kakanin." wika ni Ismael nang makasalubong niya ito pabalik.
"Sige ho amang. Siya nga po pala, naalala pa ho ba ninyo si Karen?"
"Karen? Sinong Karen anak? Naging pasyente ko ba iyan? Sa dami ng naging pasyente ko, parang hindi ko mawari kung sinong Karen iyan." Nagtatakang napatingala si Ismael habang pilit na iniisip kung sinong Karen ba ang tinutukoy ng anak niya.
"Si Karen ho, iyong batang bulag na may kaibigang laman-lupa."
Agad namang nagliwanag ang mata ni Ismael nang maalala kung sino ito. Tumango-tango ito at kunot-noong napatingin naman kay Esmeralda.
"Bakit mo nga pala naitanong hija?" Tanong ni Ismael na doon lang tila nakahuma sa sitwasyon.
"Dumalaw ho kasi siya kagabi, ako man ay nagulat rin, pero mukhang malakas na uri ng laman-lupa ang kaibigan niya. Nakita kong nagbukas sila ng lagusan na siyang dinaanan nila papunta rito. At may sinabi ho siyang babala."
"Babala? Kung gano'n totoo ang mga pahiwatig na nakikita ko sa aking panaginip. Hindi ko alam kung paano nangyari, pero anak, nitong mga nakaraang linggo, palagi akong dinadalaw ng mga pangitain, at lahat ng iyon tungkol sa'yo." Panimulang saad ni Ismael, tila ba doon lang nagkaroon ng kaliwanagan sa matanda ang mga naranasan niyang panaginip.
Isa-isang sinalaysay ni Ismael ang mga pangitain niya.
"Totoo po ba iyan amang? Pareho kayo ng sinabi ni Karen. May magbabalik daw, at may darating. Isa sa kanila ang may dalang panganib at ang isa naman ay sasagot sa lahat ng aking katanungan. Pero amang, may kinalaman kaya rito ang pagbabalik ni Tiyo Roger? Siya lang naman ang alam kung bumalik." Wika ni Esmeralda. Bagaman wala siyang alam sa mga nangyari noon dahil sanggol pa lamang siya, minsan na rin itong nabanggit ni Ismael sa kaniya. Kaya kahit papaano, may ideya siya rito.
"Hindi rin ako sigurado anak, pero mas mabuting lumayo ka lang sa kaniya. Kung ganitong hindi pa tayo sigurado, panghawakan na lamang natin kung ano ang sinasabi ng ating mga kutob."
"Sige ho amang. Ganoon na nga lang muna ang gawin natin."
Matapos ang usapan nilang iyon ay naging abala na sila. Hanggang sa sumapit ang pagbukang-liwayway ay patuloy pa rin sila sa pagluluto. Tila isang bayanihan ang nagaganap sa bukid dahil halos lahat na yata ng kapit-bahay at mga magsasakang nagtatrabaho sa pamilya ni Armando ay naroroon.
Nakangiting nakatingin lang si Esmeralda sa mainit na tanawing iyon. Tila isang panaginip ang nakikita niya. Masaya lang ang lahat, tahimik na nagtatrabaho, at panaka-nakang may tawanan at biruan pa.
"O, bakit para ka namang timang diyan, ngumingiti ka ng mag-isa." Biglang puna ni Mateo. Napapitlag naman si Esmeralda at nanlalaki ang mga matang napatingin sa gawi ni Mateo.
Malapad pa ang pagkakangisi nito na tila ba nang-aasar.
"Anong timang ka diyan. Parang gusto mo yata ng sakit ng katawan ah, sabihin mo lang. " Inumang agad ni Esmeralda ang kamao niya sa binata na ikinatawa naman ng huli.
"Paano ba naman kasi, kung nakikita mo lang ang itsura mo, kung hindi kita kilala, iisipin ko nababaliw ka na." Biro pa ni Mateo at natawa na lang din si Esmeralda.
"Masama ba ang matuwa? Natutuwa lang kasi ako dahil napakapayapa mg nakikita ko. Sana ganito na lang lagi..."
Hindi pa man din natatapos ni Esmeralda ang sasabihin ay agad naman nilang naulinigan ang mataas at matinis na boses ni Silma na tila may kaaway.
"Ano ka ba naman ate, hayaan mo na lang si Kuya. Nakakahiya sa mga tao." Awat ni Margarita sa kapatid.
"Anong hayaan, aba'y napakasuwerte naman ng ampon na iyan, ano ito kung siya ayos lang na ganito ka engrande, pero noong kaarawan ng anak ko simpleng handa lang? Ano to lokohan, mas mahal pa niya ang ampon na ni katiting na dugo ay walang nananalaytay sa mga ugat niya." Umalingawngaw ang boses nito sa bukid na agad namang nakakuha sa atensyon ng nakararami. Umugong ang bulung-bulungan at napatayo naman si Ismael sa kinauupuan nitong bangko.
Salubong ang kilay na hinarap niya ang paparating niyang mga kapatid.
"Silma, tama ba iyang pinapakita mong ugali. Hindi ka na nahiya sa mga tao." Saway ni Ismael. Nakapameywang naman na humaral si Silma kay Ismael, tila ba tinubuan ito ng sandamakmak na lakas ng loob na sumagot sa nakakatanda nitong kapatid.
"Mahiya? Ako ba ang dapat mahiya kuya? Hindi ba dapat ikaw nga ang mahiya, tingnan mo naman, pinapakilos mo ang buong purok natin para sa ano? Para lang sa kaarawan ng ampon mo. Ganoon ba siya kaimportante?" Tila hindi maubusan ang Ginang ng itatalak niya. Sa bawat salitang ibinabato nito ay lalong lumalalim amg kunot sa noo ni Ismael.
"Ano bang sinasabi mo Silma? Nahihibang ka ba? Rita, iuwi mo na iyang ate mo,"
"Pasensiya na ho kuya, kanina ko pa nga pinapaliwanag kay ate na magkasabay na idadaos ang kaarawan ni Esme sa ikapitong taong pagpapakain sa bukid pero parang bingi siya sa mga paliwanag ko." Paliwanag naman ni Margarita na tila ba hindi na alam ang gagawin.
"Bakit niyo ako paaalisin, bakit, dahil nahihiya kayo? Aba dapat lang. Ni hindi niyo nga maibigay sa mga anak ko ang ganito ka garbong handaan tapos para lang sa isang ampon? Grabe, nakakatawa kayo." Pagak na tumawa si Silma at nang mabaling ang mata nito sa gawi ni Esmeralda ay walang kaabog-abog na dinaluhong nito ang dalaga.
Isang malakas na sabunot ang iginawad nito kay Esmeralda at nagkagulo na ang lahat. Naiiyak nang hinahatak ni Margarita ang kapatid habang pilit itong pinipigilan sa ginagawa.
"Ang bagay sa'yo ingudngod sa lupa. Dahil diyan ka nababagay. Wala kang kuwenta, wala ka ng ibang dinala sa pamilyang ito kun'di kamalasan." Gigil na wika ni Silma habang ang kamay nito'y nananatiling nakasabunot sa dalaga. Hindi naman gumawa ng aksyon si Esmeralda at patuloy lang niyang pinoprotektahan ang sarili upang hindi gaanong masaktan sa pagsabunot nito.
Hindi kasi agad siya nakahuma dahil may naramdaman siyang kakaiba sa tiyahin niya. Tila ba wala ito sa sarili, bagaman matindi ang galit ng ginang sa kaniya, alam niya kahit papaano na may delikadesa ito. Hindi ito basta-basta susugod lalo na kapag ganitong maraming tao at ang iilan pa ay malalapit niyang kaibigan na madalas niyang katsismisan.
Nagtagal pa ang pagkakakapit nito sa kaniyang buhok bago ito tuluyang nakabitaw sa kaniya. Agad na inilayo ng mga kalalakihan si Silma kay Esmeralda at mabilis namang sinuri ni Ismael ang kaniyang anak.
"Esme, ayos ka lang ba, nasaktan ka ba?" Tanong ni Ismael habang sinusuri nito ang ulo ng dalaga. Nag-aalala ito para sa anak at sa magiging epekto nito sa kaniyang kapatid.
"Diyos ko naman Silma. Bakit ba hindi ka nakikinig. Hindi lang ito para kay Esmeralda. Ang handang ito ay para sa lahat, para sa masaganag ani na ating nakukuha." Sigaw ni Ismael. Sa sobrang galit niya ay malakas niyang nasampal ang ginang na nagpaestatwa naman rito.
Tila ba nagulat ito sa ginawa ni Ismael.
"Talaga kuya, para lang sa kaniya sasaktan mo ako?"
"Sasaktan kita dahil mali ang ginagawa mo. Ano bang nangyayari sa'yo. Hindi ka ba nahihiya sa ginagawa mo?"
Isa pang sampal ang iginawad ni Ismael sa kapatid at sa pagkakataong iyon, tila nawala ang kaninang kakaiba sa mga mata ni Silma. Naramdaman rin ni Esmeralda ang malamig na hanging dumaan sa kaniyang tabi.
"Amang, tama na ho, hindi alam ni Tiya ang ginagawa niya." Awat ni Esmeralda.
Tila nahimasmasan naman si Silma at nagtataka kung bakit naroroon siya. Bahagya rin siyang nakaramdam ng sakit sa kaniyang pisngi na pinagtakahan rin nila. Maya-maya pa ay tila lantang gulay itong nabuwal sa kinatatayuan niya at nawalan ng malay. Nasalo naman ito agad ni Ismael at muli silang nataranta dahil sa nangyari.
Nagpatuloy ang kanilang mga gawain matapos ang eksenang iyon. Dinala naman nila si Silma sa loob ng kubo ni Esmeralda at doon ito sinuri ni Ismael.
"May naramdaman akong dumaan kanina amang, matapos ang ikalawang sampal mo kay Tiya. Kaya nga ako hindi pumatol kanina kasi ramdam ko na may mali sa kaniya. Wala siya sa huwisyo niya at parang may kumokontrol sa kaniya." Paliwanag ni Esmeralda.
Foll𝑜w current novℯls on ƒrēewebnoѵёl.cσm.
Nakakaunawang tumango naman si Ismael at agad na nagpausok ng kamangyan sa tabi ng walang malay niyang kapatid.
"Kuya, doon lang muna ako sa labas, aasikasuhin ko lang ang mga gawaing naiwan doon. " Paalam ni Rita, saka dali-dali nang lumabas ng kubo.